PaNgArAp Ng PuSo (Heart's Desire)

Namulat nalang bigla ang puso kong natutulog,
Wari ng diwa ko’y sa alapaap nasaklob,
Mga ngiti mong dumilig sa lupang buhaghag,
Nasupil ng kilos mong mayumi dakot na bagabag.

Luntiang hardin; bukod tanging bulaklak,
Paruparu’y lumipana sa samyong halimuyak,
Petalyo mong kulay rosas kumikinang sa liwanag,
Talutot mong kaytingkad; perlas na tunay kung maaaninag.

Sa gabing payapa; mga tala’y di makatulog,
Damdami’y nagpupumiglas parang bulkang sasabog,
Puso’t isipan tila habagat at amihan,
Nagtatampisaw sa ulan ng pag-aalinlangan.

Hanggang kailan mapipigilan lihim na nararamdaman?
Nangangamba ang pusong malaya na muling masaktan,
Lagaslas ng tubig-ilog; musikang kaylamig,
Munting tinig na nagpapahiwatig, “dapat ko na bang ipabatid?”

Sa pagsipol ng hangin sugat ay tagos sa salamin,
Kahit kawayang nag-uumpukan pansinin mo’y yumuyuko rin,
Sa pagsilip ng tagtuyot isa lang ang tanging hiling,
Kahit gapatak na tubig; ako’ y iyong diligin.

Buksan ang pintuan ng puso; pati na ang bintana,
Dungawin ang pusong nagsusumamo ng iyong pagsinta,
"NENE" ng buhay ko, sana’y tugunan aking nadarama.

14th February 2009 M/V Perseus,
Refrigerated Vessel
Underway- Greece-Ecuador-Morocco-
Panama-Massachusetts-Poland
For a special friend, "Nene"