Pagkasing Gahi (Broken Love)

Anas ng liriko ng kudyaping gahi,
Alimuom mapanglaw; darang na baluti,
Gulapay na balaba; kalatis ng bangal ubod dupok,
Balangaw na kay hiwaga sa kaang lang nalugmok.

Nagdidiliryong katauha’y isip lunod sa pawis,
Estrelya'y di masilayan; ningning ay naghihinagpis,
Lugami ng mga hapong pakpak di na maparam,
Mga mata’y pagal wala na ni pahat ng ningas at lamlam.

Labi’y mamad halos said mga butil ng lunos,
Tintang nakaukit sa kalatas luoy na ang lamyos,
Lunggating magato ngayu’y nakasayad sa lupa,
Pagsilip ng silahis ng araw tila ba’y may gitla.

Tangkas ng mga luha’y tila lira na nagpipingkian,
Tahip ng tigmak na puso’y tuod sa ligalig na latian,
Pakli ng plumang sigabo; luwad na kulay ng maskara,
Dulot ay limatik na panimdim sa bumabalong pithaya.

Lagas ng mga luntiang dahon wala ng siyok na himig,
Alimbukay sa bukid-bukal kawangki ng losa sa lamig,
Diwa’t puso’y niluyak; katawa’y tilad sa madilim na moog,
Alimpuyong naglansag ng lakas sa bawat dampi ng hamog.

Bakas ng hilahil na lumamon sa raso ng masidhing pagsinta,
Pagtangis ng ulan badya ng pahimakas ng lantang musika,
Bawat latay sa pusong nagsusumamo hudyat ng pagsuko,
Taganas ay bungang-tulog; piglas ng pag-gising di na matanto.

Underway from Dubai to Egypt (August 18, 2009)
On board tanker vessel "LPG/C Capricornio Gas I"
"EMO..."